Pagtatanggal ng Filipino Subject sa Kolehiyo



Ang Filipino subject, isa sa mga asignaturang nagpapalalim sa pagkakaintindi natin sa wikang Filipino. Pagsasalita sa Filipino, maaaring ito nga ay madalas na nating ginagamit simula noong tayo'y musmos pa lamang, subalit alam na nga ba natin lahat tungkol rito? Sapat na nga bang dahilan na karaniwan na lamang sa atin ito sapagkat kaharap na natin ito buong buhay natin bilang mga Pilipino?

Ako ay hindi sumasang-ayon sa pagtatanggal ng Filipino subject sa kolehiyo. Bakit? Una, isa itong patunay ng pagsasawalang halaga natin sa ating kultura. Isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi tayo umuunlad, hindi tayo marunong magmahal sa sariling atin. Saan ba tayo makakakita ng bansang umunlad na hindi gumagamit ng sarili nitong wika? Ang Japan, China, at iba pa sa mga karatig bansa natin ay lahat minamahal ang kanilang kultura kaya sila maunlad. Pangalawa, isa itong patunay ng pagtutulak sa mga mag-aaral sa pagtangkilik sa kultura ng ibang bansa. Kasunod ng pag-anunsyo sa pagtatanggal ng asignaturang Filipino sa kolehiyo ay ang paglalagay ng Korean language subject sa mga pampublikong paaralan. Maaaring maganda naman itong pag-aralan dahil makakatulong din ito sa mga mag-aaral subalit ang palagay ko rito ay mas lalo lang itong nagtutulak sa mga mag-aaral na mag-abroad pagkatapos grumaduate. Hindi ba nakakapagtaka na tila mas naka-pokus pa ang sistema ng ating edukasyon sa pag-aaral sa mga bagay na wala namang kinalaman sa bansa natin? At ang resulta nito ay mas naitutuon ang pokus ng ating mga kabataan sa pag-alam sa kultura ng Amerika o kaya nama'y Korea. Makikita natin ito sa mga simpleng paraan. Halimbawa, kapag ang isang tao ay nagsalita ng puro at malalim na tagalog, madalas na reaksyon ay mako-kornihan. Subukan mong mag-Ingles naman ng dere-deretso, paniguradong magpapalakpakan ang mga iyan. Kaya kung tatanggalin pa ang Filipino subject sa kolehiyo, naku! Tiyak na lalala pa ang mentalidad na ang matalino ay ang magaling magsalita sa ibang wika. Baka tuluyan na nating malimutan ang tunay na ibig sabihin ng pagiging Pilipino.

Hindi dapat natin ipagsawalang bahala ang ating pagiging Pilipino. Maaaring sabihing umay na tayo dahil ginagamit naman natin ang wikang Filipino sa pang-araw araw na buhay. Subalit, nakasisiguro ba tayong alam na natin lahat dito? Aminin mo, hanggang ngayon naman nalilito ka pa rin sa pagkakaiba ng "ng" at "nang". Bakit gusto natin na hanggang mababaw lang ang alam natin, bakit hindi tayo maging interesado sa pagsisid, lalo pa't ito ay atin? Nang sa gayo'y tumatak at hindi natin tuluyang malimutan ang ating kasaysayan at pagkakakilanlan. Itaas natin ang bandera ng ating bayan.


Mga Komento